Saturday, March 15, 2014
Adobo o Lechon?
Ilang araw matapos lumabas sa balita ang usap-usapang gagawing pambansang pagkain ang adobo, marami ang kumontra at sinabing mas nararapat gawing pambansang pagkain ang lechon. Subalit sa pananaw ko, tama lamang na ideklarang pambansang pagkain ang adobo. Una, mas madalas itong hinahanda ng mga Pilipino hindi lamang tuwing may okasyon. Pangalawa, mas abot-kaya ito ng mga Pilipino. May kakayahan pa bang maghanda ng lechon ang mga nakatira sa squatter's area? Mahirap na nga para sa kanila ang kumain tatlong beses sa isang araw, mag-aaksaya pa ba sila ng pera para lamang makabili ng lechon? At panghuli, may iba't ibang baryasyon ang maaaring gawin sa adobo, depende sa iyong panlasa: may sabaw o wala, baboy, manok o gulay man, maalat, maasim, matamis.
Ano nga ba ang basehan upang mapili ang isang bagay bilang pambansa? Haribon ang ating pambansang ibon subalit hindi pa ako nakakakita nito sa tanang buhay ko. Bakit hindi na lamang ang maya na mas madalas makita? Arnis ang ating pambansang laro subalit hindi ko kayang laruin ito. Bakit hindi na lamang luksong-tinik, luksong-baka o tumbang preso? Ito ang mga larong madalas laruin ng mga kabataan.
Ano nga ba ang tunay na batayan upang matawag na "pambansa?" Ang kakaiba at matatagpuan lamang sa ating bansa? O ang nasasaklaw at tinatangkilik ng mas nakararami? Hangga't hindi pa naasagot ang tanong na ito, hindi magiging malinaw ang pagpili ng simbolo ng ating bansa na siyang simbolo na rin nating mga Pilipino.
Saturday, March 1, 2014
Ipagpatuloy mo lang~
Parte na ng ating pagkikilanlan ang mga alamat. Pinapalawak ng mga alamat na ito ang ating imahinasyon tungkol sa mga pinagmulan ng mga bagay-bagay. Sabihin mang mga kathang-isip lamang ito, binibigyang kulay nito ang kasaysayan. Hindi lamang sa nalalaman natin ang mga maaaring pinagmulan ng mga bagay, may mga aral din tayong napupulot sa mga alamat na ito. Katulad na lamang sa Alamat ng Ampalaya: maging kuntento sa kung anong mayroon ka at sa Alamat ng Pinya: be careful what you wish for 'cause you might just get it.
Hindi lamang pambata ang mga alamat, para ito sa lahat. Lagi dapat nating isaisip ang mga alamat na ito dahil parte na ito ng ating bayan, parte na rin ng ating buhay. Malay mo, ilang taon mula ngayon, pagmulan ka ng isang alamat. Maaaring pagmulan ng alamat ang bawat isa sa atin: ang alamat ng ating buhay. Sabi nga, kapag namatay ka na, mabubuhay ka na lamang sa pamamagitan ng kuwento ng mga taong nakakakilala sa iyo. Gaya ng aking napanood na palabas na "Big Fish," kakaiba ang mga kuwento ng tatay ng bida. Matatagpuan ang mga kakaibang nilalang sa kuwento ng tatay tulad ng mga higante, werewolf, mangkukulam at isang napakalaking isda na nagiging napakagandang dilag at mahuhuli lamang sa pamamagitan ng ginto. Pagkatapos mamatay ng tatay, nanatili pa rin siya sa isip ng mga tao dahil sa kanyang mga kuwento na hindi mo malaman kung totoo nga bang naganap o kathang-isip lamang. Gayon pa man, dahil sa mga kuwento kaya siya naalala ng mga tao. Kaya't huwag nating hayaang mawala ang pagkukuwento sa ating buhay sapagkat ito ang tanging maaaring paraan upang maalala tayo ng mga tao kahit na wala na tayo.
Subscribe to:
Comments (Atom)



